-- Advertisements --

CEBU – Siniguro ngayon ng pamunoan ng Mactan Cebu International Airport (MCIA) na makuha na muna ang eroplano ng Korean Air na nag-overshoot sa runway ng nasabing paliparan bago nila ibalik ang kanilang operasyon.

Sa isang press conference, inihayag ni Atty, Jinky Zaragosa-Ang, Attorney III ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), na kailangan na munang makuha ang nasabing eroplano sa runway ngunit hindi ito madali kaya naman ay ikinansela na muna ang lahat ng operasyon sa paliparan para sa kaligtasan ng lahat.

Aniya, sa ngayon ay pawang mga maliliit na aircraft na muna ang makapag-land at makapag-take off sa nasabing paliparan habang ina-address nila ang sitwasyon.

Ayon kay Atty. Ang na maliban sa operasyon ng paliparan ay kailangan na maiintindahan ng lahat ang kaligtasan ng mga pasahero at ng mga nasa airport.

Ang mga kanseladong flight ay ang papunta sa Manila, Caticlan, Bacolod, Pagadian, Clark, Puerto Princesa, Tacloban, Dipolog, Davao, Surigao, Legazpi, Ozamiz, Butuan, Cagayan De Oro, at General Santos.

Sa ngayon, ang mga apektadong pasahero ay temporaryong namalagi sa hotel at ang iba naman ay umuwi na lang muna sa kanilang mga tahanan o sa mga malapit na kamag-anak.