-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Ikinadismaya ng Pioduran Municipal Disaster Risk Reduction Management Office ang ginawa ng mga tripolante ng MV Angelie na hindi pagkuha at pagpapaanod pa sa bangkay ng isang batang lalaki na nakita sa karagatan ng Burias.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Noel Ordoña ng Pioduran MDRRMO, galing sa Burias ang MV Angelie at papunta sa Pioduran ng makita ang bangkay ng isang batang lalaki sa kalagitnaan ng dagat.

Marami umano sa mga pasahero ang hiniling sa kapitan ng bangka na kunin na ang katawan upang mai-turn over sa mga otoridad.

Subalit imbes na kunin ay tinalian pa ito ng styrofoam at muling ipinaanod sa dagat habang ipinagpatuloy na lang ng naturang bangka ang pagbiyahe.

Saka lamang umano nalaman ng MDRRMO ang tungkol sa nakitang bangkay ng maireport ito ng mga sakay ng bangka.

Sinubukan ng mga otoridad na maglunsad ng search operation subalit pahirapan na ang paghanap sa bangkay na maaring natangay na umano ng malakas na hangin lalo pa at may tali na itong styrofoam.

Sa ngayon nakilala na ng PNP ang kapitan ng naturang bangka at mga tripolante nito na pinag-aaralan pa kung maaaring masampahan ng kaukulang kaso.

Nabatid na natakot ang kapitan ng bangka na ireport ang nakitang bangkay lalo pa at mahigpit na ipinagbabawal ang pagsasakay nito ng pasahero.

Samantala, kinumpirma ni Ordoña na nakatanggap na sila ng report na isang 7 anyos na batang lalaki na naiulat na nawawala sa parte ng Donsol, Sorsogon.