LEGAZPI CITY – Aminado ang embahada ng Pilipinas sa China na ikinaalarma ng mga Pilipinong nananatili sa bansa ang patuloy na pagtaas ng mga kumpirmadong kaso ng novel coronavirus.
Sinabi ni Philippine Ambassador to China Chito Sta. Romana sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nagmistulang “ghost town” na umano ang ilang lugar partikular na ang Wuhan City na bihira nang lumabas ang mga residente.
Malaking isyu aniya ang suplay ng pagkain dahil sa banta ng pagkahawa sa virus kung lalabas ng bahay.
Kaugnay nito, nagpapadala na umano ng food supply ang embahada sa mga Pilipino na nasa Wuhan City o sa Hubei province mismo na epicenter ng sakit.
Makipag-ugnayan lamang aniya ang mga ito o tumawag sa hotline numbers kung ano ang kailangan.
Ang naturang lugar ay una nang isinailalim sa lockdown ng Chinese government noong nakaraang linggo.
“Maintindihan natin kung ano ang kondisyon nila kasi ang buong syudad para nang ghost town, naka-lock(down)…Bihira ang lumalabas,” ani Ambassador Sta. Romana. “Naging isyu ang food and supplies and medicine. Through the help, through cooperation with the Chinese authorities, the central government of China, they have been shipping meal supplies.”
Samantala, pila-pila na rin umano ang mga eroplano ng maraming bansa na nagpatupad na ng paglikas sa mga residente na nananatili sa China.
Nilalatag naman ang plano sa mga gustong umuwing Pinoy sa Pilipinas subalit isasailalim pa rin sa quarantine pagdating sa bansa.