LEGAZPI CITY – Pinangangambahan ngayon na madagdagan pa ang kasalukuyang bilang ng mga nagkakaroon ng tigdas sa Bicol.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Department of Health (DOH) Bicol Director Dr. Ernie Vera, sinabi nitong mahigit 400 na ang nagkakaroon ng tigdas sa Bicol Region.
Kaya naman mahigpit ang isinasagawa nilang pagbabantay sa naturang mga kaso kung saan naglagay na rin ang mga ospital ng isolation ward.
Ipapasok sa mga naturang pasilidad ang mga pasyenteng mayroong tigdas upang hindi na makahawa pa sa iba.
Maliban pa rito, tuloy-tuloy rin ang pagbibigay ng ahensya ng bakuna para sa tigdas partikular na sa mga sanggol na hindi pa napapabakunahan.
Pinawi naman ng opisyal ang pangamba ng publiko dahil kahit marami na ang kaso ng tigdas sa rehiyon, hindi pa naman umano kailangan na magdeklara ng outbreak ng tigdas sa Bicol.
Samantala, mahigpit namang binabantayan sa ngayon ng mga officiating officials ang isang atleta na kabilang sa Palarong Bicol na may sakit na chiken pox o bulutong-tubig.