CENTRAL MINDANAO-Hinikayat ni Kabacan Cotabato Mayor Herlo Guzman Jr ang mga magulang o mga Ka-Unlad na pabakunahan ang kanilang mga anak.
Kailangan ng mga magulang na pabakunahan ang mga anak laban sa tigdas.
Ito ay sa harap ng takot na nararamdaman ng ilang magulang na pumunta sa mga ospital dahil na rin sa COVID-19 pandemic.
Sinabi ni Mayor Guzman Jr na hindi dapat isantabi ang pagpapabakuna dahil sa mga komplikasyong puwedeng idulot ng tigdas.
Unang kinumpirma Department of Health (DOH) na posibleng magkaroon ng tigdas outbreak pagdating ng taong 2021.
Dahil dito ay pinalawak pa ang Measles, Rubella and Oral Polio Vaccine supplemental immunization activity sa bayan ng Kabacan.
Ang tigdas ay nakahahawang sakit na dala ng measles virus. Ilan sa mga sintomas nito ay lagnat, ubo at sipon, namumulang mga mata, at namumulang mga butlig sa katawan, ayon sa DOH.
Hinimok ng mga opisyal ng DOH ang publiko na magpabakuna para maiwasang makuha ang naturang sakit.
Sa inilabas na datos ng lokal na pamahalaan ng Kabacan, mayroong 4,872 na mga kabataan edad 9-59months ang nabakunahan kontra measles rubella.
Ito ay 51.12% ng kabuuang 9,531 na target na mabakunahan sa bayan. Nagpapatuloy naman ang pag-hikayat ng lokal na pamahalaan ng Kabacan sa mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak.
Ang measles rubella vaccination ay magtatagal ng isang buwan. Libre ang bakuba. Magtungo lamang sa mga Brgy. Health Stations.