KALIBO, Aklan – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa pagbaril-patay sa isang meat vendor sa Brgy. Jalas, New Washington, Aklan.
Ito ay kasunod sa pag-aresto ng isa sa dalawang mga suspek na pumaslang sa biktimang si Roljun De Pedro Tejada, 36, at residente ng naturang lugar.
Inaresto ng New Washington PNP ang suspek na si Jimmy Ramos, 61, at residente ng Sitio Bogacay sa nasabing barangay makaraang positibong kinilala ni Perlyn Tejada, 31, asawa ng biktima na siya umano ang driver ng getaway motorcycle vehicle na sinakyan ng hindi pa nakilalang gunman.
Una rito, batay sa paunang imbestigasyon ng New Washington Police Station, magsasara na sana ng kanilang puwesto ang biktima nang bigla na lamang siyang tinabihan ng motorsiklo sakay ang dalawang mga suspek kung saan kaagad binaril si Tejada na tinamaan sa dibdib at pisngi na naging dahilan ng kanyang agarang pagkamatay.
Nabatid na ang nasabing biktima ay dating nakulong sa Aklan Rehabilitation Center (ARC) sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ngunit pansamantalang nakalaya sa ilalim ng plea bargaining program ng pamahalaan, limang buwan pa lamang ang nakakaraan.
Samantala, si Ramos ay isang drug surenderee sa bayan ng New Washington.