CENTRAL MINDANAO-Sundin ang suggested retail price o SRP ng karneng baboy na 188 hanggang 192 pesos per kilo para hindi mapatawan ng penalidad.
Ito ang paalala ni Department of Agriculture 12 Regional Executive Director Arlan Mangelen sa mga meat vendors at retailers sa rehiyon.
Binigyan diin ni Mangelen na tama lang ang SRP na itinakda ng DA 12 sa mga karneng baboy sa Soccksargen.
Paliwanag ni Mangelen, dumaan kasi ito sa masusing pag-aaral ng “Bantay Presyo” Committee na pinamumunuan din ng nasabing ahensya.
Myembro din ng nasabing komitiba ang regional line government agencies, lokal na pamahalaan, at law enforcement unit kabilang ang National Bureau of Investigation o NBI.
Ayon kay Mangelen ikinonsidera din sa pagtalaga ng SRP ang transportation cost at farm gate price na 144 pesos per kilo ng buhay na baboy ng mga hog raisers.
Sinabi ni Mangelen na walang dahilan na ibenta ng mga retailer at meat vendor sa mas mataas na presyo ang mga karneng baboy dahil tutubo pa rin ang mga ito kahit na susundin nila ang SRP.
Sa kabila nito ang presyo ng karneng baboy sa Koronadal public market ay umabot ng mula 280 hanggang 300 pesos per kilo.
Ayon sa ilang mga vendor na nahihirapan silang ipatupad ang SRP dahil ang mga buhay na baboy ay nabibili nila sa mas mataas na 170 pesos per kilo farm gate price.
Ito ayon kay Mangelen ay aalamin ng DA sa pakikipag ugnayan sa “Bantay Presyo” Committee.
Hiniling din ni Mangelen ang tulong ng mga lokal na pamahalaan sa monitoring ng presyo ng mga karneng baboy sa pamamagitan ng pagbuo ng kanilang Local Price Monitoring Council o LPMC.