LEGAZPI CITY – Wala umanong dapat ikabahala ang mga mamimili ng baboy at pork products sa Albay sa gitna ng banta ng African swine fever (ASF).
Kasunod ito ng pagpositibo sa ASF ng sample na kinuha mula sa namatay na baboy sa kalapit na lalawigan ng Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Legazpi at Albay Public Market Meat Vendors Association President Resalina Macam, may slaughterhouse ang lungsod na pinagdadalhan ng mga kakataying baboy na dumaan sa prosesong itinatakda ng National Meat Inspection Service (NMIS).
Kailangan lamang aniyang tiyakin ng mamimili na dumaan sa naturang pasilidad ang baboy sa pamamagitan ng pagsuri sa resibo para sa ante at post mortem, maging ang sertipikasyon mula sa Veterinary Office.
Ayon pa kay Macam, hindi pa magkukulang ang suplay ng karne sa lalawigan subalit walang katiyakan kung hanggang kailan magtatagal lalo pa’t maraming mga kainan sa lungsod.
Sa ngayon, nananatili pa sa P220 hanggang P230 ang bawat kilo ng karneng baboy habang mula P115 hanggang P120 ang bawat kilo para sa buhay pang baboy.