Patuloy na binabantayan ng Manila Economic and Cultural Office ang sitwasyon ng mga Pilipino sa Taiwan lalo na sa mga lugar na matinding tinamaan ng malakas na lindol noong nakaraang linggo.
Personal na binisita ni MECO chairman Silvestre H. Bello III ang Hualien na naging epicenter ng pagyanig.
Kasabay nito ay nagpaabot sila ng relief packs and cash assistance sa daan-daang OFWs na naapektuhan ang kanilang trabaho dahil sa naturang disaster.
Ayon kay Bello, labis na nababahala si Pangulong Bongbong Marcos sa sitwasyon ng mga Pilipino sa naturang bansa, at inatasan aniya sila na ibigay ang lahat ng kinakailangang tulong upang mapagaan ang kanilang kalagayan.
Nakipagpulong din si Bello sa mga opisyal ng county at nagpasalamat sa pag-aalaga din sa kaligtasan at kapakanan ng mga Pilipino sa lugar kasama ang mga Taiwanese na naantala rin ang lagay ng pamumuhay dahil sa lindol.
Kasama niya sa pagbisita ang MECO deputy resident representative Alice Visperas, Migrant Workers Office director Cesar Chavez at Welfare Officer Ruth Vivaldi.
Ang Hualien, ang pinakamalaking county at pangunahing destinasyon ng turista sa Taiwan, ay tirahan ng humigit-kumulang 1,400 OFWs.
Kung maaalala, noong Biyernes ng nakaraang linggo, nakipagpulong si Bello sa may 30 lider ng Filipino community groups mula sa iba’t ibang bahagi ng Taiwan na nag-ulat ng sitwasyon ng kanilang mga miyembro pagkatapos ng lindol.
Sa pulong, ipinaabot din niya ang mensahe ng Pangulo sa mga OFWS.
Namahagi ang MECO ng T$150,000 bilang tulong para sa emergency na paggamit ng iba’t ibang organisasyon ng OFW.
Binisita din ni Bello ang mga OFW na nagtamo ng mga pinsala sa kanilang mga dormitoryo, at isa pa sa ospital na nawalan ng malay sa kasagsagan ng pagyanig.
Nag-abot siya ng T$10,000 bawat isa bilang tulong pinansyal.