ILOILO CITY – Status quo pa rin ang Iloilo City at Iloilo Province.
Ito ay kasunod ng pagpayag ng COVID-19 Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases na isailalim pa rin sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang lungsod at lalawigan ng Iloilo.
Ang MECQ status sa Iloilo ay magtatagal hanggang Hulyo 22.
Matandaan na nagpadala ng notice of appeal sina Iloilo City Mayor Jerry Treñas at Iloilo Governor Arthur Defensor, Jr. sa IATF upang hindi matuloy ang proposal ng Deparment of Interior and Local Government (DILG) na isailalim ang Iloilo sa Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo kay Iloilo City Mayor Jerry Treñas, sinabi nito na hihintayin pa niya ang abiso o pormal na pronouncement mula sa national government.
Wala namang ideya si Treñas kung bakit hanggang Hulyo 22 lang magtatagal ang MECQ status sa Iloilo.
Matandaan na una nang nagdepensa ang alkalde sa kanyang notice of appeal na unti-unti nang bumababa ang kaso ng COVID-19 sa lungsod.
Nilinaw naman nito na 60 percent anya ng mga pasyente sa ospital sa lungsod ay hindi residente ng Iloilo City.
Ayon naman kay Governor Defensor, hindi na siya maglalaba pa ng bagong executive order dahil palalawigin lang ang effectivity nito para sa MECQ classification sa lalawigan.
Ayon sa gobernador, walang ipapatupad na border control sa lalawigan.
Una nang sinabi ng Iloilo Provincial Government na nasa 57.5 percent ang health care utilization rate ng lalawigan kung saan pasok pa ito sa parameter o sukatan ng Department of Health.
Bumaba naman sa 17 percent ang average daily attack rate ng COVID-19 sa lalawigan sa loob lang ng dalawang linggo ngayong buwan.
Nadagdagan rin ang COVID-19 bed capacity sa mga ospital sa Iloilo sa 50 percent.