Kinumpirma ni Department of National Defense (DND) Sec. Delfin Lorenzana na pinili ng Pangulong Rodrigo Duterte bilang susunod na Army chief ang commanding general ng Western Mindanao Command (Westmincom) na si Lt. Gen. Cirilito Sobejana.
Ang pagtalaga kay Sobejana sa mas mataas na puwesto ay dahil sa papalit naman si Army chief Lt. Gen. Gilbert Gapay kay Gen. Filemon Santos bilang susunod na AFP chief of staff.
Si Santos ay na nakatakdang magretiro sa darating na Agosto 4, 2020.
Si Sobejana na isang Medal of Valor awardee, ang pinakamataas na parangal na ibinibigay sa isang sundalo dahil sa kabayanihan, ay graduate ng Philippine Military Academy Hinirang Class of ’87.
Bago naging Westmincom chief noong June 2019, dati rin siyang commander ng 6th Infantry Division noong 2018 at naging hepe ng Joint Task Force Sulu noong 2017.
Kabilang pa sa highlight sa kanyang career ay pagiging chief of staff ng United Nations Disengagement Observer Force (UNDOF) noong 2013.
Ang 54-anyos na si Sobejana ay “Ranger trained, Special Forces qualified, paratrooper at scuba diver.”
Ang iba pang hinawakang posisyon niya ay pagiging company at battalion commander ng elite forces na Scout Ranger units.
Dati siyang naging commandant ng Ranger School at commander ng Civil-Military Operations Group of the Philippine Army.
Samantala, nagtapos din siya ng Masters in Public Administration degree at fellow on corporate governance.
Liban nito, nag-aral din siya ng chemical, biological, radiological at nuclear defense course sa Sweden at graduate ng Operations Research Systems Analysis sa US Army Logistics Management College sa Fort Lee, Virginia.
Tinapos naman niya ang Advance Security Cooperation course sa Asia-Pacific Center for Security Studies, Honolulu, Hawaii.
Nakatakdang magretiro sa serbisyo si Sobejana sa Agosto ng susunod na taon.