-- Advertisements --

ILOILO CITY- Pinagbawalan ng korte ang mga kasapi ng media na i-cover ang hearing sa kaso na isinampa ng ilang miyembro ng Integrated Bar of the Philippines Guimaras at Iloilo Chapter kabilang na ang ilang professionals laban sa Philippine Coast Guard at Maritime Industry Authority (MARINA).

Matandaang nag-inhibit noon si Hon. Gloria G. Madero, executive judge ng Branch 29, ng Regional Trial Court sa Ramon Avanceña Hall of Justice, sa kasong urgent motion for reconsideration para sa Declaratory Relief, Mandatory Injunction at Prohibitory Injunction with Prayer for the issuance of Temporary Restraining Order na inilabas ng Maritime Industry Authority kaugnay sa pagbiyahe ng mga pumpboat via Iloilo Guimaras vice versa.

Matapos ini-raffle ng korte ang kaso, napunta ito sa sala ni Hon. Ma. Theresa Enriquez-Gaspar, presiding judge ng Branch 33 ng Regional Trial Court.

Kasabay ng unang araw ng hearing sa nasabing kaso, ipinag-utos ni Judge Gaspar na palabasin sa korte ang mga kasapi ng media.

Idinahilan ni Gaspar na ayaw niyang malaman kung ano ang pinag-uusapan sa korte at ayaw din nito na maapektuhan ang takbo ng kaso.

Napag-alaman na habang nasa sala ni Judge Madero ang kaso noon, pinahintulutan ang mga media na dumalo sa hearing at makakuha ng mga dokumento kaugnay sa nasabing kaso.