BUTUAN CITY – Hinihintay na lamang ngayon ang consultation at public hearing matapos mai-refer na sa House Committee on Labor and Employment ang panukalang Media Workers Welfare Act.
Ayon kay Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) USec. Joel Egco, siya mismo ang naghain nito sa mga kongresista upang mapalago at mai-angat ang pamumuhay ng mga media men na may security of tenure.
Karamihan umano kasi sa mga mediamen ay walang Social Security System (SSS) at Philhealth contributions maliban sa katotohanang masyadong mababa ang sahod.
Base ito sa kanyang ginawang pag-aaral lalo na’t tumitindi ngayon ang media violence ng bansa at dito raw niya nalaman ang kawalan ng karampatang mga benepisyo at sahod ng mga tapagbalita.
Ito rin umano ang dahilan na may mga mediamen na nagpapagamit sa mga pulitiko.
Kaugnay nito’y umapela ang opisyal sa lahat ng mga media personalities na suportahan ang kanyang panukala at umaasang kaagad itong lulusot sa kamara.