Kinumpirma ng Embahada ng Pilipinas sa The Netherlands na kasalukuyang nasa regular hospital room na si Atty. Salvador Medialdea matapos isugod sa emergency room sa isang ospital sa The Hague, Netherlands nitong umaga ng Martes, Marso 18.
Base ito sa ibinahaging update ng Embahada dakong ala-1:52 ng hapon local time kaugnay sa kalagayan ni Medialdea na nagsisilbing legal counsel ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).
Sa isang Facebook post din ni Sen. Robin Padilla, na nasa The Hague din, makikitang nakaupo si Medialdea sa wheelchair.
Ayon sa Embahada, nagtungo si Medialdea sa ICC Detention Center umaga ng Martes para sa scheduled visit sa dating Pangulo subalit habang nagrerehistro ito sa may reception counter bandang alas-8:55 ng umaga sumama ang kaniyang pakiramdam.
Sinamahan naman ng opisyal ng Embahada ang 73 anyos na abogado sa Detention Center at agad tumawag para sa medikal na atensiyon na tinugunan naman ng Detention Center medic.
Tinawagan ang ambulansiya na nagdala kay Medialdea sa isang Hague area hospital kung saan ito tumanggap ng medical treatment. Ayon sa Embahada may kasamang malapit na kamag-anak si Medialdea sa pinagdalhan sa kaniyang ospital.