NAGA CITY – Nanawagan ngayon ang pinuno ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) sa mga kagawad ng media na maging matatag sa trabaho lalo na sa malayang pamamahayag.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Nonoy Espina, NUJP national president, aminado ito na mayroong mga kagawad ng media na apektado na ang trabaho dahil sa takot na nararamdaman.
Subalit, naninindigan si Espina na hindi dapat na magpadala sa takot ng mga taga-media at maging matatag sa lahat ng oras.
Dapat din umanong alalahanin ng mga mamamahayag na ang ginagawa ng industriya ay hindi lamang para sa isang tao ngunit para sa mamamayan.
Dagdag pa nito, dapat rin na maintindihan ng lahat na malaki ang ginagampanan na papel ng mga kagawad ng media partikular sa demokrasya sa bansa.
Ang pahayag na ito ni Espina ay may kaugnayan sa lumabas na matrix sa umano’y nasa likod nang tinaguriang ouster plot kay Pangulong Rodrigo Duterte kung saan nasasangkot ang ilan sa mga miyembro ng media.