-- Advertisements --

ILOILO CITY – Patuloy na pinag-iingat ng Philippine Embassy ang mga Pilipino sa Singapore sa banta ng Coronavirus disease 2019 o Covid-19.

Ito ay kasunod ng pagpositibo ng isang Overseas Filipino Worker (OFW) sa nasabing sakit.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Bombo International Correspondent Mercy Saavedra Cacan direkta sa Singapore, sinabi nito na nasa isolation room na sa isang ospital sa Singapore ang nasabing biktima at inuusisa ang medical bulletin nito.

Ayon kay Cacan, nakikipag-ugnayan na ang Philippine Embassy sa Ministry of Health ng Singapore upang mabigyan ng nararapat na tulong ang pasyente kung kinakailangan.

Ani Cacan, hinihimok ng embahada sa Singapore ang mga Pilipino na maging mapagmatyag, panatilihin ang kalinisan sa katawan, iwasan ang mataong mga lugar o pagtitipon at bantayan ang kalusugan.

Dagdag pa ni Cacan, hinihikayat ang mga Pilipino na sumunod sa ipinalabas na paalala ng gobyerno ng Singapore na iwasan ang pagpunta ng Daegu City at Cheongdo kung hindi naman kinakailangan kung saan may mataas na kaso ng sakit.