Hindi na kailangan ng medical certificate para sa pagbabakuna ng mga menor de edad na 12 hanggang 17-anyos laban sa COVID-19 ayon sa Department of Health (DOH).
Nilinaw ng ahensiya na kailangan lamang ng mga magpabakuna na magbigay ng mga dokumentong nagpapatunay ng filiation o guardianship sa pagitan ng bata at ng magulang o tagapag-alaga gayundin ng mga valid identification card.
Samantala, ang mga menor de edad na may comorbidities ay nangangailangan ng medikal na sertipikasyon mula sa kanilang mga doktor upang mabakunahan laban sa sakit.
Inilabas ng DOH ang pahayag matapos magpahayag ng pagkadismaya ang infectious disease specialist na si Benjamin Co sa mga lokal na pamahalaan na humihingi umano ng medical certificate mula sa mga menor de edad na walang comorbidities.
Sinabi ng DOH na nakipag-ugnayan na ito sa National Vaccination Operations Center hinggil sa isyu.
May kabuuang 40,419 menor de edad na may comorbidities ang nabakunahan laban sa COVID-19 mula nang magsimula ang kampanya noong Oktubre 15.