CENTRAL MINDANAO-Labis ang pasasalamat ng mga residente ng Barangay Dagupan, Makilala, Cotabato sa isinagawang Medical-Dental Outreach Program ng pamahalaang panlalawigan ng Cotabato sa pamumuno ni Governor Emmylou “Lala” Taliño-Mendoza.
Sa pangunguna ng Integrated Provincial Health Office (IPHO), Rural Health Unit (RHU) ng Bayan at Barangay Health Workers (BHW), matagumpay na nabigyan ng serbisyong medikal ang mahigit 245 na mga indibidwal mula sa nasabing barangay.
Sa datos na isinumite ng IPHO abot sa 184 ang tumanggap ng libreng check-up, 32 ang matagumpay na nabunotan ng ngipin, 27 na mga batang lalaki ang sumailalim sa libreng tuli at 2 ang nabakunahan kontra Covid-19.
Maliban sa pamamahagi ng mga gamot, ay nagkaroon din ng oryentasyon kung paano maiwasan ang pagkalat ng Foot, Hand and Mouth disease sa pangunguna ni Dr. Patric Julius Paccal.
Ang Medical Mission ay isa sa mga prayoridad na programang isinusulong ni Governor Mendoza upang patuloy na maihatid ang dekalidad na serbisyong medikal sa bawat mamamayan lalung-lalo na sa mga malalayong barangay ng lalawigan.