-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Patuloy sa paghahatid ng serbisyo ang programang Medical-Dental outreach ng pamahalaang panlalawigan ng Cotabato sa pamumuno ni Governor Emmylou “Lala” Taliño-Mendoza.

Katuwang ang Integrated Provincial Health Office (IPHO), Rural Health Unit ng bayan at mga Barangay Health Workers (BHW), matagumpay na nabigyan ng serbisyo ang mga residente ng Barangay Balindog, Kidapawan City.

Sa datos na isinumite ng IPHO, abot sa 147 ang nakabenepisyo ng libreng check-up, 48 ang nabunotan ng ngipin, 23 ang sumailalim sa libreng tuli at 10 naman ang tumanggap ng bakuna kontra Covid-19.

Samantala nagkaroon din ng talakayan kung papaano maiwasan ang bagong nakakahawang sakit na Foot, Hand at Mouth Disease sa pangunguna ni Dr. Patric Julies Pacal, IPHO Rural Health Physician sa mga residente ng nasabing barangay.

Ang medical-dental outreach program ng pamahalaang panlalawigan ay bahagi ng mas pinalakas na programang pangkalusugan ni Governor Mendoza upang matulungan at mabigyan ng serbisyong medikal ang bawat Cotabateñong lubos na nangangailangan.