LEGAZPI CITY – Nananawagan ngayon ang grupo ng mga health professionals sa Bicol na magkaroon ng revision sa ipinapatupad na protocol ng Department of Health (DOH) Bicol sa coronavirus disease (COVID-19).
Kabi-kabila ngayon ang pagpuna at pagkwestiyon sa health department matapos na pauwiin sa bahay ang tatlong COVID-positive patients sa Albay na una nang nagpamalas ng mild symptoms sa sakit bago makumpirmang positibo.
Paliwanag ni Dra. Ofelia Samar-Sy, medical director ng Ibalong Medical Center sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi, hindi epektibo ang hakbang lalo pa’t mas maraming tao ang nalalantad sa sakit.
Ayon kay Samar-Sy, isang health expert na namamahala sa malaking pagamutan sa Wuhan City, China ang nakipagpulong sa mga private health professionals sa Pilipinas, ang nagsabing kaparehong aksyon rin ang ginawa sa mga unang araw ng paglutang ng sakit.
Inirekomenda umano ang home quarantine sa mga pasyenteng naghihintay pa ng resulta sa COVID-19 test maging ang mga mild ngunit hindi natupad ang social distancing.
Hindi rin nakontrol ang paglabas ng bahay ng mga ito kaya’t imbes na makontrol ang paglobo ng kaso, nadagdagan pa at pumalo sa libo-libo ang nasawi kabilang na ang ilang doktor.
Unti-unting bumaba ang nagpositibo sa COVID-19 nang magtayo ang health department sa China ng makeshift hospital facilities upang mapaghiwa-hiwalay ang mga maysakit.