-- Advertisements --

KORONADAL CITY- Dumagdag ngayon sa sakit ng ulo ng Ministry of Health ng Bangsamoro Region in Muslim Mindanao (MOH-BARMM) ang ilang mga residente sa kanilang nasasakupan, maliban pa sa kinakaharap na krisis ng coronavirus disease.

Inamin kasi ni Health Minister Dr. Saffrullah Dipatuan na ito’y dahil iilan sa kanilang mga frontliners ay nagtitiis sa mga pangha-harrass at pagbabanta galing umano sa mga residente sa gitna ng kanilang pagsasagawa ng contact tracing.

Inihayag ng opisyal na nagagalit umano ang mga tao kapag tinatanong sila kung may contact sila sa isang indibidwal na positibo sa covid-19.

Natatakot aniya ang mga ito na sa bawat pagpunta ng mga health workers sa kanilang lugar ay matuturingan na silang mga carriers o mga nagpositibo sa karamdaman.

Sa kabila, tiniyak pa rin ni Dipatuan na patuloy pa rin silang magsisilbi at magsusumikap upang tuluyang masugpo ang banta ng covid-19 sa kanilang nasasakupan.