-- Advertisements --

Umalma ang Philippine Medical Association (PMA) sa panukalang kunin ang serbisyo ng mga medical graduates upang makatulong sa laban kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Dr. Benito Atienza, vice president ng PMA, hindi pa raw sapat ang karanasan ng mga medical trainees para italaga agad ang mga ito bilang frontliners.

Kailangan pa rin umanong sumailalim sa training ang mga hindi pa pasado sa licensure examination.

Sinabi pa ni Atienza, hindi rin puwedeng i-waive na lamang ang pagsusulitn ng mahigit 1,500 medical school graduates dahil labag ito sa umiiral nilang mga panuntunan.

Sa ilalim din kasi ng batas, matatawag lamang na mga doktor ang mga pumasa sa licensure exam.

Iginiit din ng opisyal na sapat ang kanilang mga miyembro sa buong bansa upang umayuda sa COVID-19 crisis.

Aabot din aniya sa kabuuang 120,000 na mga doktor mula sa PMA at sa iba pang mga organisasyon ang pupunan sa kakulangan ng mga medical personnel sa mga ospital.

Gayunman, inamin ni Atienza na bagama’t walang kakulangan sa tao, may kakapusan naman sa mga gamit, partikular ang mga personal protective equipment.

Katunayan, dahil aniya sa kakulangang ito ay gumagawa na raw ng personal PPE ang ilang mga ospital.

Una rito, naghayag ng kanyang interes si Health Sec. Francisco Duque III sa mungkahi ni Sen. Francis Tolentino na i-tap ang mga medical graduates para umayuda sa krisis.

Dati na ring nanawagan ang Deparment of Health (DOH) para sa dagdag na mga volunteer doctor at nurse para tumulong sa paglaban sa COVID-19 crisis sa bansa.

Sinabi ni DOH Usec. Maria Rosario Vergeire, nakararanas na raw kasi ng exhaustion sa kanilang sistema ang ilang mga ospital dahil sa COVID-19 threat.