CAUAYAN CITY – Isinisigaw ng mga medical health workers ng University of Santo Tomas (UST) hospital ang kanilang panawagan na ibigay na ang kanilang mga benepisyong nakapaloob ng Bayanihan 2 law sa pamamagitan ng kanilang isinagawang kilos protests sa harapan ng gusali ng Senado.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Chie Beltran Ignacio, Emergency Room Nurse ng UST Hospital na pangunahin nilang hinihiling na ipagkaloob sa kanila ang benepisyong nakapaloob sa Bayanihan 2 law.
Sinabi niya na hindi lamang Special Risk Allowances (SRA) ang nakapaloob sa nasabing batas kundi nakapaloob din ang pagbibigay ng meal allowance, accomodation and transportation allowances at pangunahin dito ang pagkakaloob ng compensation sa mga health care workers na natamaan ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa gitna ng serbisyo.
Sinabi ni Ignacio na umabot sa dalawang daang health care workers ng UST Hospital ang tinamaan ng COVID-19 at hanggang ngayon ay hindi nabibigyan ng compensation ng Department of Health (DoH) sa kabila na naibigay nila lahat ng mga requirement bago magpaso ang pagpapatupad ng naturang batas.
Naghihinanakit anya sila dahil ang mga health care workers sa mga pampublikong pagamutan ay nakuha nila ang naturang benepisyo ngunit silang mga nasa pribadong pagamutan ay hindi pa naibibigay.