CAUAYAN CITY – Muling isusulong sa kongreso ni Congressman Antonio Tonypet Albano ng 1st District ng Isabela ang medical marijuana bill.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sinabi ni Congressman Albano na ang pagbuhay sa medical marijuana bill ay upang matulungan ang mga bata at matatandang maysakit tulad ng epilepsy at cancer.
Nilinaw niya na walang maitatayong taniman ng marijuana dito sa bansa, kundi gagamitin lamang ito para sa medisina.
Sa kabila ng pagnanais ng maraming senador at kongresisita na maging co-author ng nasabing panukalang batas ay tiniyak ni Congressman Albano na hindi niya papayagan ang anumang probisyon na umaabuso sa pagamit ng marijuana bilang gamot.
Giit niya na hindi kailangang mangamba ang publiko sa pagsasabatas ng medical marijuana bill dahil mas delikado ang mga ginagamit ng mga mamamayan na may mga sangkap na mula sa illegal na halaman.