Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang House Bill 10439 na nagpapahintulot sa paggamit ng medical marijuana o cannabis para sa mga kwalipikadong pasyente.
Nasa kabuuang 177 mambabatas ang bumoto ng pabor sa panukala, 9 ang tumutol at 9 din ang nag-abstain.
Sa ilalim ng panukalang batas, tinukoy ang kwalipikadong pasyente na na-diagnose ng isang accredited physician na may medical condition o may mga sintomas na may kinalaman sa isang karamdaman na maaaring makatanggap ng medical cannabis bilang gamot base sa evaluation ng physician.
Magtatatag din ito ng isang Medical Cannabis Office (MCO) na siyang magre-regulate sa paggamit ng medical cannabis at sisigurong madali itong ma-access.
Samantala, ipinagbabawal naman sa ilalim ng panukalang batas ang pag-aangkat, pagtatanim, paggawa, pagiimbak at pamamahagi ng medical cannabis nang walang permit mula sa MCO gayundin bawal ang pagbebenta o trading ng medical cannabis sa mga pasyente, doktor, drugstores, hospitals, clinics, dispensaries at iba pang medical facilities nang walang permiso mula sa MCO at iba pang aktibidad nang walang awtoridad mula sa naturang tanggapan.
Sa panig naman ng Senado, isang counterpart bill ang isinusulong ni Senador Robin Padilla, na siyang nag-sponsor ng Senate Bill 2573 o ang panukalang Cannabis Medicalization Act of the Philippines sa plenary session noong Marso ng taong kasalukuyan.