CAUAYAN CITY – Ikinatuwa ng may-akda ng panukalang batas na gawing ligal ang paggamit ng medical marijuana ang pagtanggal na ng United Nations (UN) sa cannabis sa listahan ng mga mapanganib na droga.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Isabela 1st District Rep. Antonio Albano na nagalak siya sa naging desisyon ng UN dahil malaki umano ang maitutulong ng marijuana bilang gamot sa mga malalang sakit tulad ng cancer, Alzheimer’s disease at epilepsy.
Dahil dito, sisikapin nila sa mababang kapulungan ng Kongreso na ipasa ito agad sa unang bahagi ng taong 2021 para magamit na bilang gamot.
Umaasa siya na makalulusot din ito sa Senado at magbago ng pasya ang ilang senador na tumutol noon sa panukakang batas dahil ikinokonsidera ng UN na mapanganib sa kalusugan ng tao ang marijuana.
Tiniyak naman ng mambabatas na tutukan nila ito kapag naging batas para hindi maabuso.
Ayon pa kay Albano, kapag naaprubahan na ang panukala niyang batas ay pili lamang ang mga manggagamot na papayagang magreseta at dapat ay ma-diagnose muna ang pasyente.
Siniguro din niya na abot lamang ang magiging presyo nito at ilalagay din sa Philhealth para magamit ng mga mahihirap na Pilipino.
Aniya, maglalaan lamang ng lugar kung saan magtatanim ng Marijuana para gawing gamot at nang mabantayan ng mga kinauukulan.