-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Target ng lokal na pamahalaan ng Aklan at bayan ng Malay na mapalakas ang medical tourism sa Isla ng Boracay.

Ito ay kasunod ng isinagawang groundbreaking ceremony ng Ciriaco Tirol Hospital sa isla para sa expansion at upgrading program nito

Ayon kay Malay Mayor Frolibar Bautista na malaki ang potensyal ng Boracay sa medical tourism dahil sa ilalagay na mga makabagong pasilidad sa naturang ospital na nakatakdang gawing 5-storey building.

Maaari umanong dito magpa-check-up at magpagamot ang mga dayuhan lalo na sa dental care, cosmetic surgery, at iba pa.

Maliban dito, sinabi ni Mayor Bautista na napapanahon ang expansion project upang magkaroon ng sapat na pasilidad na makatugon sa pangangailangan ng mga turista.

Matapos maaprubahan bilang Level 1 facility ang ospital, inaasang lalo pang mapabuti nito ang kalidad ng healthcare services hindi lamang sa mga residente ng isla kundi mapalakas ang reputasyon ng Boracay bilang isang ligtas at well-equipped na tourist destination.

Kamakailan ay nabansagan ang Boracay bilang Asia’s Leading Luxury Island Destination sa 2024 World Travel Awards at napabilang sa isa sa magagandang diving destinations sa bansa.

Sa kasalukuyan ay nagpupulong na ang Department of Tourism at Department of Foreign Affairs upang bigyan ng 6-months medical visa ang mga dayuhang nais na magpagamot sa bansa.