Nadagit ni Russian tennis star Daniil Medvedev ang kampeonato sa ATP Finals sa London matapos na talunin nito si Dominic Thiem.
Bagama’t nabigo sa isang set, hindi nagpatinag si Medvedev at pinahiya si Thiem sa iskor na 4-6, 7-6 (7/2), 6-4 para makuha ang pinakamalaking tagumpay sa kanyang career.
Umabot sa dalawang oras at 42 minuto ang bakbakan ng dalawa sa loob ng bakanteng O2 Arena kung saan naging maganda ang paluan sa laro ngunit sa huli ay nanaig ang Russian fourth seed.
Dahil dito, inilista rin ng 24-anyos na si Medvedev ang panalo sa ika-10 sunod na laro kasunod ng kanyang titulo sa Paris Masters.
Habang kay Thiem naman, masaklap na pagkatalo ito lalo pa’t nabigo rin itong magwagi sa kaparehong torneyo noong nakaraang taon sa kamay ni Stefanos Tsitsipas.