Sa nakatakdang pagharap ni Vice Pres. Leni Robredo ngayong araw sa mga opisyal ng US Embassy dito sa Pilipinas, isang bagay lang daw ang nais niyang matiyak.
Ito ay ang makakuha ng suporta at tulong mula sa Estados Unidos kaugnay ng kampanya kontra iligal na droga ng pamahalaan.
“Hindi siguro sa enforcement, pero parang pareho din sa United Nations, marami na din silang aral. Gusto nating malaman anong resources iyong available, lalo na sa intelligence. Medyo kailangan natin ng malaking tulong sa pagtugis sa mga malalaking drug lords; baka doon tayo matulungan,” ani Robredo.
Sa mga nakalipas na taon, naging kritikal ang administrasyon sa ideya ng pagpasok ng ilang estado sa war on drugs campaign.
Lalo na’t makailang beses na rin itong pinagtangkaang pa-imbestigahan at ipasilip sa United Nations.
Pero para kay Robredo, mahalagang mabigyan ng puwang ang suhestyon ng international community dahil pasan din daw ng mga ito ang problema sa iligal na droga.
“Iyong sa atin, hindi lang naman US Embassy iyong kakausapin natin, pero lahat na mga… lahat na puwede nating malapitan sa international community, kasi alam natin na iyong problema sa droga, hindi lang natin iyon—hindi iyon unique sa atin. Hindi natin iyon mareresolba nang tayo lang.”
“Kailangan talaga nating makipagtulungan sa iba’t ibang mga bansa, lalo na iyong mga karatig-bansa sa atin, lalo na iyong mga bansa na dinaraanan o pinanggagalingan ng ilegal na droga na pumapasok sa Pilipinas.”
Nagpasalamat ang bise presidente sa Malacanang dahil sa pagiging bukas na baguhin nito ang stratehiya kontra illegal drugs.
Gayundin ang hindi pagtutol sa kanyang meeting kasama ang mga opisyal ng US Embassy at United Nations.
“Kung hindi din kasi ako bibigyan ng buwelo, bakit pa ako nandito? Kaya iyong sa akin, malaking relief din na sinabi iyon publicly. Kung naaalala niyo during the first meeting of ICAD, nandoon na siya sa sinabi ko sa members, na iyon iyong nakikita kong isa sa mga policy directions.”
“Pero wala pa siyang detalye, kasi iyong meeting ko with the Law Enforcement Cluster, sa Thursday pa lang. So iyong detalye noon, pag-uusapan pa lang on Thursday.”