Ipinagmalaki ni Marikina City Mayor Marcelino Teodoro na kaya ng kanilang mega vaccination facility na mabakunahan ang 10,000 katao kada araw.
Ayon kay Teodoro, ito raw ay dahil mayroon silang 10 vaccination stations sa nasabing pasilidad na matatagpuan sa Marikina Sports Complex.
Mayroon din aniya silang monitoring facility sa kanilang vaccination center na nakalaan para sa mga makararanas ng adverse reaction matapos mabakunahan.
Sinabi pa ng alkalde, hindi magiging pahirapan ang pag-transport ng COVID-19 vaccines sapagkat malapit lamang sa vaccination center ang storage facility ng siyudad.
Samantala, inilahad ni Teodoro na kanilang sa vaccination process ng lungsod ang screening, ang mismong pagbabakuna, at ang observation stage o care monitoring stage.
Paliwanag ni Teodoro, aalamin sa screening process kung maaaring mabakunahan ang isang indibidwal base sa kanilang medical condition.
Matapos namang maturukan ng COVID-19 vaccine, madedetermina sa care monitoring stage kung may negatibong reaksyon ang bakuna sa isang tao.
Sakali namang may adverse reaction sa taong nabakunahan, sinabi ni Teodoro na naghanda ang lokal na pamahalaan ng indemnification fund na nasa P5-milyon.
Pipirma rin umano ang alkalde ng executive order na bubuo ng task force para sa vaccination program ng lungsod.