Achievement na kung ituring ni Sharon Cuneta ang pagkakaroon niya ng slimmer figure sa pagpasok ng bagong taon.
Ito’y dalawang buwan mula nang unang ipahayag ang kanyang determinasyon na mag-diet upang mairampa raw ang mga in-order niyang mamahaling damit na maliit ang size, at ngayon nga ay balik na raw siya sa size 10.
Nag-post din ang birthday girl ng kanyang swimsuit photo with matching caption na size 6 ang ipinagdarasal niyang makamit, na nangangahulugan na 20 pounds pa ang dapat mabawas sa kanyang timbang.
Pagbabalik tanaw pa ng ngayo’y 55-year-old veteran celebrity, bigla na lamang siyang nauntog o natauhan na nais maibalik ang kanyang figure sa kinatampukang 1983 romantic drama movie na “Friends in Love.”
Nakasama niya sa nasabing pelikula sina William Martinez at Rowell Santiago.
Samantala, hindi rin nagpahuli ang “eldest baby girl” ni Shawie na si KC Concepcion.
Game rin kasing rumampa ang 35-year-old Megastar daughter suot ang kanyang swimsuit sa El Nido, Palawan.
Ngunit taliwas sa usap-usapan na kasama nito ang nali-link sa kanya na si apl.de.ap, wala ito sa mga nabanggit ni KC na kanyang ka-jamming.
Sa paglalarawan ni KC, masaya siya sa nadamang kalayaan habang nasa isla at handa siyang sumabay sa agos ng karagatan kung saan hindi hahayaang malunod sa mga kakaharaping pagsubok ngayong 2021.