-- Advertisements --

Siniguro ng Department of Science and Technology (DOST) na walang masamang idudulot sa mga pasyenteng may coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang sleep-regulating hormone na melatonin.

Bago ito ay aprubado na ng Philippine Council for Health Research and Development ang isasagawang clinical trial para sa melatonin bilang supplementary treatment para sa COVID-19.

Paliwanag ni DOST Sec. Fortunato de la Peña, maliban sa ligtas ay available at abot-kayang supplement ang melatonin sa buong mundo.

“Ito ay gagamit ng high-dose melatonin as an adjuvant or supplementary treatment for COVID-19,” wika ni De la Peña.

Katunayan ay sinimulan na raw ng ibang mga bansa ang paggamit dito bilang posibleng gamot para sa mga COVID-19 patients.

Ang melatonin ay ginagamit na dati bilang pampabuti ng kalidad ng pagtulog, pero batay sa pag-aaral ng mga siyentipiko sa ibang bansa, lumalabas na may potensyal itong maging gamot sa COVID-19 dahil sa kakayahan nitong protektahan ang katawan laban sa ilang mga sakit sa baga gaya ng acute lung injury at acute respiratory distress syndrome.

Sa ginawa namang inisyal na pag-aaral dito sa bansa, inihayag ng kalihim na dahil sa paggamit nito, gumanda raw ang kondisyon ng mga pasyenteng na-admit sa Manila Doctors Hospital.

“Initial studies have actually shown na ang melatonin ay nag-iimprove ng outcome sa mga pasyenteng na-admit sa Manila Doctors Hospital,” anang kalihim.

Ayon kay De la Peña, gagawin umano ng isang team ng mga doktor sa Manila Doctors Hospital ang naturang project, na inaasahang tatagal ng dalawang buwan at isasama rin dito ang 350 pasyente.

Naglaan na rin aniya ang DOST ng P9.8-milyong pondo para sa clinical trials ng melatonin.

Maalalang pinondohan din ng ahensya ang nagpapatuloy na clinical trial sa paggamit ng virgin coconut oil para sa mga pasyenteng may coronavirus.