BAGUIO CITY – Nagluluksa ngayon ang Philippine Military Academy matapos maaksidente sa STAR Tollway na sakop ng Sambat, Tanauan City, Batangas ang isang bagong graduate nito ng PMA MABALASIK Class of 2019 noong Huwebes, July 19.
Kinilala ng mga otoridad ang nasawing si 2nd Lt. Karen Lei Cunanan na idineklarang dead on arrival sa pagamutan sa Tanauan City na iniuwi na sa kanilang tahanan.
Napag-alaman na si Cunanan ay taga-Baler, Aurora, nag-aral ng BS Management Economics sa UP-Baguio bago pumasok sa PMA at ngayon ay miyembro ng Philippine Air Force.
Ayon sa pulisya, nagpapagaling na rin sa pagamutan ang 8 pang mistah ni Cunanan na pawang nasugatan sa aksidente.
Nakilala ang mga ito na sina 2nd Lt. James Daryl Ligutan na 10th placer sa kanilang batch, 2nd Lt. Kayl Calanno, 2nd Lt. Paulo Miguel Salcedo, 2nd Lt. Neil Jessie Licuben, 2nd Lt. Richard Magabo, 2nd Lt. Jared Nicolasora at si 2nd Lt. James Benedict Doranco na nobyo ni Cunanan.
Batay sa report, kumukuha ang mga biktima ng Basic Air Force Officer Course kung saan sakay sila ng isang multi-purpose vehicle patungo ng San Fernando Airbase sa Lipa City mula Villamor Airbase sa Pasay City nang maganap ang aksidente sa southbound lane ng nasabing expressway.
Nawalan umano ng kontrol sa manibela ang driver kaya nagpagewang-gewang ang sasakyan hanggang sa tumaob ito sa gitna ng highway.