Pinabulaanan ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCR) na nag-isyu ito ng memorandum na nag-uutos sa mga lokal na pamahalaan para ipasara ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa unang linggo ng Agosto.
Sa isang statement ngayong Sabado, nilinaw ni Pagcor offshore gaming licensing department Jessa Mariz Fernandez na peke ang naturang memorandum at wala silang inisyung ganitong memo.
Ang naturang dokumento na ipinadala umano sa LGUs sa Metro Manila noong Hulyo 26 ay isang palsipikadong bersiyon ng memo na kaniyang ipinakalat noong Hulyo 23, isang araw matapos ang SONA ni PBBM.
Ito ay ang kaniyang sulat para sa Internet Gaming Licensees at service providers na naga-abiso na maaaring manatiling status quo ang kanilang operasyon habang nakabinbin ang pagsasapinal ng mga detalye o proseso ng pag-ban sa POGOs.
Malinaw din aniya ang direktiba ng Pangulo na hanggang sa katapusan ng taon pa para tuluyang mapatigil ang mga operasyon ng lahat ng POGOs at kanila itong susundin.
Iginiit din ng Pagcor official na malinaw na isa itong disinformqation na layuning lumikha ng gulo at kalituhan. Sinuman aniya ang nasa likod nito ay malinaw na may lihim na motibo kayat kanilang hihingin ang tulong ng NBI para imbestigahan at ilantad ang mga ito upang matukoy ang kanilang motibo.