VIGAN CITY – Inihahanda na umano ng kampo ni dating Sen. Bongbong Marcos ang memoranda na kanilang ipapasa sa Presidential Electoral Tribunal (PET) kaugnay sa ikalawang cause of action na may kaugnayan sa election protest na kanilang isinampa laban kay Vice President Leni Robredo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Atty. Vic Rodriguez, tagapagsalita ni Marcos na sa ngayon ay hinihintay pa lamang umano nila ang kopya ng bilin ng PET na magkomento sila hinggil sa pagpapalabas ng committee report sa nasabing protesta.
Ipinaliwanag ni Rodriguez na kapag natanggap na umano nila ang kanilang kopya hinggil sa nasabing bilin ng PET, doon na umano magsisimula ang 20 araw na palugit na naibigay sa kanila para magkomento.
Iginiit pa nito na sila umano ang kinatigan ng PET kahapon nang magbotohan ang mga ito kung itutuloy ang election protest o hindi dahil 11 mahistrado ang pumanig sa kanila at dalawa lamang ang kumontra.