KORONADAL CITY – Ngayong araw inaasahang mailalabas ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang kautusan sa mga lokal na pamahalaan para linisin ang mga pampublikong kalsada mula sa mga pribadong paggamit.
Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni DILG Usec. Epimaco Densing III, Undersecretary for Operations, tiyak kasama sa ilalabas na memorandum circular ang deadline kung hanggang kailan dapat tapusin ng local officials ang naturang mandato.
Nauna nang sinabi ni DILG na 60-araw ang kanilang palugit sa mga provincial, municipal at city officials para paalisin ang illegal parkers at street vendors sa public roads.
Kung maaalala, binanggit ni Pangulong Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA) ang panawagan sa mga opisyal na paalisin ang private users ng pampublikong kalsada.
Layon din ng naturang hakbang na mapaganda ang daloy ng trapiko sa kani-kanilang mga lugar.
Nagbabala naman si Densing hinggil sa posibilidad na maharap sa suspensyon ang sinomang opisyal na hindi tatalima sa naturang kautusan.