Hindi magdaraos ng necrological services ang Senado para sa dating senador na si Rene V. Saguisag bilang paggalang sa kagustuhan ng pamilya.
Ayon kay Senate Secretary Renato Bantug, walang plano ang pamilya ng namayapang senador na dalhin ang labi nito sa Senado.
Batay naman sa naging post online ng anak ni Saguisag, magsisimula ang memorial service ngayong araw (Abril 26) sa Capilla del Senor/Capilla de la Virgen ng Santuario de San Antonio Parish sa Forbes Park, Makati City at tatagal hanggang Lunes (Abril 29).
Ang viewing naman ay mula 2 hanggang 10 p.m. lamang habang ang misa ay ihahandog araw-araw sa ika-7 ng gabi.
Wala namang iba pang detalye ang ibinahagi ng pamilya ni late senator Saguisag.
Namatay si Saguisag sa edad na 84 noong nakalipas na Miyerkules.
Nagsilbi ito bilang senador mula 1987 hanggang 1992 kung saan siya ay naging tagapangulo ng Committee on Ethics and Privilege, at ang ad hoc Committee sa Bataan Nuclear Power Plant.
Nagsilbi rin siya bilang tagapagsalita noon ng kandidato sa pagkapangulo na si Corazon Aquino, isang gawaing ipinagpatuloy niya noong siya ay nahalal na pangulo noong 1986.
Ilang gobyerno at pribadong personalidad ang nagbigay pugay kay Saguisag na isang human rights lawyer bukod pa sa pagiging public servant.
Nakilala rin siya sa paggamit ng kanyang kadalubhasaan sa batas para pagsilbihan ang mga mahihirap.