Bumagsak na sa ika-pitong puwesto ang Memphis Grizzlies, kasunod ng pagkatalo nito sa Minnesota Timberwolves, 141 – 125.
Maalalang dating nakapasok sa first-6 ang Memphis at sa loob ng ilang buwan ay napantili nito ang naturang ranking ngunit tuluyan itong lumabas sa playoff picture matapos talunin ng Wolves ngayong araw (April 11).
Hindi kinaya ng Memphis ang 44 points ni Anthony Edwards at 31 poitns 10 rebounds ni Julius Randle na nanguna sa opensa ng Wolves. Ipinasok din ng koponan ang 20 3-pointers mula sa 44 na pinakawalan nito sa kabuuan ng laban.
Nasayang lamang ang 36 points ni Memphis guard Ja Morant, kasama ang 28 points at siyam na assists ni Desmond Bane.
Sa kabila ng pagbagsak sa ika-pitong pwesto, may pagkakataon pa rin ang grizzlies na muling umangat sa pwesto at makakuha ng automatic-playoff berth sa susunod na dalawang nalalabing laban.
Sa kasalukuyan kasi ay pare-parehong may 47 wins at 33 loss ang Golden State Warriors na nasa ika-anim na pwesto, Grizzlies, at Wolves, na nasa ika-walong puwesto.
Mapagdedesisyunan ang magiging ranking ng tatlong koponan kapag nataops na ang dalawang nalalabing game at matutukoy kung sino sa kanila ang otomatikong makakuha ng playoff berth.
Sa susunod na lingo ay inaasahang magsisimula na ang Play-In Tournament kung saan maglalaban-laban ang ika-pitong team hanggang ika-sampung team sa western at eastern conference upang makuha ang ika-pito at ika-walong pwesto.