NAGA CITY – Patay ang isang menor de edad matapos na magbigti sa Sariaya, Quezon.
Kinilala ang biktima na isang 12-anyos na babae, residente ng Brgy. Concepcion 1 sa nasabing bayan.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na bago mangyari ang nasabing insidente, tinuturuan pa ng biktima ang dalawa nitong kapatid ng magpaalam na iihi muna ito.
Ngunit, matapos ang ilang minuto, napansin ng mga ito na hindi pa lumalabas sa CR ang dalagita kung kaya tinawag ito ng kanyang mga kapatid.
Sa kabila ng pagtawag dito, wala umano silang natanggap na sagot mula sa biktima kung kaya pwersahan ng binuksan ng isa sa mga kapatid nito ang pinto ng C.R.
Dito na nga tumambad sa kanila ang nakabigti at wala ng buhay na katawan ng biktima.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na nakakaranas ng pambubully ng kanyang mga kakalase ang biktima ayon na rin sa iniwan nitong note sa cellphone ng kanyang ina.
Samantala, wala naman umanong nakitang foul play sa nasabing insidente.