-- Advertisements --

Nagtutulungan na ang Department of Health (DOH) at Food and Drugs Administration (FDA) upang mangalap ng karagdagang detalye ukol sa naitalang kauna-unahang kaso ng sakit na may kaugnayan sa paggamit ng vape o e-cigarettes sa bansa.

Kinumpirma ni Health Sec. Francisco Duque III na isang 16-anyos na babae mula sa Central Visayas ang nabiktima ng Electronic Cigarette or Vaping-Associated Lung Injury (EVALI).

Sa ngayon ay nakipag-ugnayan na raw sila sa attending physician upang mangalap pa ng karagdagang mga impormasyon hinggil sa kaso.

Bago ito, sinabi ni Health Undersecretary Eric Domingo na dapat nang magpakonsulta sa mga doktor ang mga gumagamit ng electronic cigarettes upang humingi ng payo para talikuran ang nasabing bisyo.

Naging sikat ang vape sa mga Pilipino, partikular sa mga kabataan, na aniya’y mas mainam na alternatibo sa mga gustong tumigil na sa paninigarilyo.

Una nang nanawagan ang kagawaran ng ban sa vaping dahil hindi naman daw aprubadong nicotine replacement therapy ang vaping, at maaari pang magdulot ng sakit sa baga.

Sa datos ng DOH, nasa 1-milyong Pilipino ang gumagamit sa kasalukuyan ng e-cigarettes.