BACOLOD CITY—Nahuli na ng mga pulis ang ilan sa mga suspek na bumaril-patay sa menor de edad na lalaki sa lungsod ng Bacolod.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Captain Armilyn Vargas, station commander ng Police Station 10, tama sa ulo ang naging sanhi ng pagkamatay ng biktima na si John Martin Ronamo ng Purok Kawayanan I, Phase 6-B, Barangay Handumanan, Bacolod City.
Ayon kay Vargas, nakatayo ang 16-anyos na biktima sa labas ng tindahan nang bigla na lamang lumapit ang tatlong suspek.
Nagkaroon muna ng komprontasyon sa pagitan nila bago ito binaril sa ulo.
Dinala si Ronamo sa Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital ngunit ito ay binawian ito ng buhay.
Sa tulong ng mga residente na nakakita sa krimen, nahuli ng mga pulis ang dalawa sa tatlong suspek kung saan isa rito ay menor de edad din.
Hindi naman narekober ng Police Station 10 ang baril na ginamit ng mga suspek na sinasabing isang home-made.
Ayon sa hepe, matagal nang alitan ang motibo sa krimen dahil nakaaway noon ng biktima ang isa sa mga suspek.
Desidido naman ang pamilya Ronamo na maghain ng kaso laban sa mga suspek.