BACOLOD CITY—Patay ang isang menor de edad na itinuturing na notorious na magnanakaw matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Purok Bayanihan, Barangay Villamonte, Bacolod City .
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Police Major Charles Gever, commander ng Bacolod Police Station 4, ang biktimang si Bobby Delos Santos, 17-anyos ay binaril sa daan dakong alas-3:45 ng madaling araw.
Dahil sa maraming tama sa katawan kaagad na binawian ng buhay si Delos Santos habang nakatakas naman ang suspek.
Ayon kay Gever, maaaring may matagal ng galit sa biktima ang suspek.
Lumalabas sa imbestigasyon ng Police Station 4 na may record si Delos Santos ng pagnanakaw hindi lamang sa Barangay Villamonte kundi pati na rin sa ibang barangay kagaya ng Estefania.
Ayon sa hepe, umalis si Delos Santos sa kanilang bahay sa edad na 9-anyos kung saan sumama na ito sa kanyang mga kaibigan upang magnakaw.