May dalawang torneo pa na sasalihan ang Philippine men’s national football team (PMNT) bilang bahagi ng kanilang paghahanda sa 2024 AFF Mitsubishi Electric Cup.
Unang sasabak ang koponan sa Merdeka Cup na magsisimula mula Setyembre 2 hanggang 10 sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Matapos nito ay susunod ang King’s Cup na magsisimula mula Oktubre 7 hanggang 15 sa Thailand.
Sa nasabing torneo ay makakaharap ng Pilipinas ang mga mayroong mataas na ranking.
Nasa ranked 147 ang Pilipinas na makakaharap ang ranked 102 na Tajikistan, ranked 117 na Lebanon at ranked 135 na host country na Malaysia sa Merdeka Cup.
Habang sa King’s Cup ay mapapasabak sila sa ranked 93 na Syria, ranked 100 na Thailand at ang Tajikistan.
Bago ang FIFA International window na magsisimula mula Nobyembre 11-19 na ang isa ay gaganapin sa bansa ay magkakaroon ng dalawang friendly match ang bansa.
Sinabi ni Philippine Football Federation director of national teams Freddy Gonzalez na plantsado na ang schedule ng men’s football team ng bansa bago ang international tournament.
Makakaharap ng Pilipinas ang Myanmar sa Nobyembre 27 at Vietnam sa Disyembre 3 na gaganapin dito sa Rizal Memorial Stadium para sa Southeast Asia’s premier football tournament na AFF Mitsubishi Electric Cup.
Matapos nito ay makakalaban nila ang Indonesia sa Disyembre 7 na gaganapin ito sa Jakarta.