BACOLOD CITY – Mag-oorganisa ng online mental health session ang Philippine Embassy sa Germany upang makatulong din sa mga Pilipinong apektado ng COVID-19 crisis sa nasabing bansa.
Sa exclusive interview ng Star FM Bacolod kay Philippine Ambassador to Germany Tess Dizon De Vega, sinabi nito na kasalukuyang naka-work from home setup sila subalit mayroon namang rapid response team para sa emergency o consular cases na kailangan ng agarang aksyon.
Dagdag pa ni Tess, na isang neuroscientist at kasalokuyang nag-aaral ng PHD sa mental health, sinisikap nilang maipaabot ang kanilang tulong sa mga apektadong kababayan lalo na sa kung ano ang mga gagawin mentaly at emotionally sa gitna ng kinakaharap na krisis.
”Magkakaroon po siya ng 1 hr. session how to cope po emotionaly and mentaly during this time. Kasi importante ho iyon hindi lang yong physical na paghahanda natin o paglaban sa virus na ito kundi pati iyong isip natin yong outlook po natin kailangan positive lagi na hindi naman po madali para sa lahat. So, magbibigay siya ng guidance, ng advice at tips.” pahayag ni Ambassador Tess Dizon De Vega.
Sa ngayon, mayroon na aniyang na may dalawang Pinoy sa Germany na nagpositibo sa COVID-19, pero isa rito ay naka-recover na.
Samantala, patuloy naman din aniya silang nakikipag ugnayan sa Filipino nurses community upang alamin din ang kanilang mga kalagayan bilang mga frontliners.
Maliban sa mental health session ay marami pa silang online activities o tinatawag na bahaynihan online series katulad ng community cooking para tulungan malibang ang mga kababayan.
Inaasahan kasi na tatagal pa ng hanggang Abril 20 na sarado ang mga kompanya at hindi pa alam sa ngayon kung kailan babalik sa normal ang operasyon ng mga trabaho sa Germany.
Hindi naman nagkukulang ang Embahada sa pagpapaalala sa mga Pilipino doon ng mga dapat gawin upang maka iwas din sa nakamamatay na virus.
Sa ngayon ay umaabot na sa 650 ang namatay sa Germany dahil sa Covid-19.