CAUAYAN CITY – Nasa lalawigan na ng Batangas ang pitong miyembro ng response team ng Department of Health (DOH) Region 2.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr. Leticia Cabrera, assistant regional director ng DOH Region 2 na ang pitong response team ang tututok sa mental health, gayundin pagbibigay ng malinis na tubig.
Habang magbibigay naman ng emergency nutrition ang emergency nutrition team ng DOH Region 2 sa mga residenteng naapektuhan ng pagputok ng bulkang Taal.
Ayon kay Dr. Cabrera na isa sa kanilang pag-uukulan ng pansin ay ang mental health, water and health sanitation ng mga evacuees.
Aniya, hindi maikakaila na na-stress ang mga evacuees dahil sa pagsabog ng bulkang Taal kaya kinakailangan nila ng tulong ng mga doktor upang maihayag nila ang kanilang nararamdaman.
Nagdala rin ang grupo ng mga water purifier, hygiene kit tulad ng mga shampoo, sabon, tuwalya at bimpo na magagamit ng mga evacuees.
Tutukan din ng response team ang mga bata at nanay kung saan pangunahin na ang kanilang pag-breastfeed.
Ang 7-member response team ay magtatagal hanggang Enero 24 sa lalawigan ng Batangas.