-- Advertisements --

Inanunsyo ng Manila Electric Co. (Meralco) na asahan ng kanilang customers ang pagbaba na P1.9623 per kilowatt-hour (kWh) sa kanilang mga bayarin sa kuryente ngayong buwan.

Sa isang abiso ngayong Linggo, sinabi ng Meralco na ang pagbawas sa singil ng kuryente ay dahil sa implementasyon ng staggered collection ng generation costs mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM).

Asahan umano ng mga customer ng Meralco ang pagbaba sa kanilang electric bill, sa halip na pagtaas na P0.6436 per kWh na inanunsyo noong nakaraang linggo.

Ang adjusted rate ay nagpapakita ng pagbaba na P9.4516 per kWh mula sa P11.4139 per kWh noong nakaraang buwan para sa isang karaniwang sambahayan.

Para naman sa mga residential customer na kumukunsumo ng 200 kWh, ang adjustment na ito ay katumbas ng pagbaba ng nasa P392 sa kanilang kabuuang bayarin sa kuryente.

Sinabi rin ng Meralco na ang bagong singil para sa buwang ito ay katumbas ng P1.8308 bawat kWh na pagbaba sa generation charge.

Sa kabila ng pagbaba ng singil ngayong Hunyo, sinabi naman ng Meralco na maaaring asahan naman ng mga customer ang mas mataas na generation charges sa susunod na tatlong buwan.