Kumalap ng career-high na 30 points si Anjo Caram upang tulungan ang Meralco na maselyuhan ang twice-to-beat advantage sa quarterfinals makaraang itala ang 103-89 panalo kontra NorthPort sa PBA Governors’ Cup.
Maliban dito, inakay din ni Caram ang Bolts upang masungkit ang kanilang ikalimang sunod na panalo sa torneyo.
Bunsod ng tagumpay, umakyat ang Meralco sa ikalawang puwesto taglay ang 8-2 kartada.
This win is really nice because we really had a goal of making it to the top four and we really want to get the twice-to-beat advantage to have a slight advantage going into the playoffs,” wika ni Meralco coach Norman Black.
“I’m really happy for my players. They are focused on the goal and they achieved it tonight by getting their eighth win. It wasn’t a pretty game but a lot of games aren’t pretty. Just have to grind it out and win it,” ani Black.
Nagpakawala ng tres ang dating San Beda guard para ilayo sa 89-80 abanse ang Bolts.
Pumukol muli si Caram mula sa downtown upang ilista ng Meralco ang kanilang 16-point lead, na pinakamalaking agwat sa laro.
Umalalay naman si Allen Durham na kumana ng double-double na 26 points at 19 rebounds, habang may 17 markers si Chris Newsome para sa Meralco.
Sumandal naman kay Michael Qualls ang NorthPort na pumoste ng 24 points, samantalang may 20 points si Christian Standhardinger bago ito ma-eject noong fourth quarter matapos na tanggapin ang ikalawang technical foul dahil sa paglapit nito sa officials’ table para magreklamo.
Ito na ang ikaanim na kabiguan ng NorthPort sa siyam na laro, at tabla na sa Alaska sa ikawalong puwesto sa standings.
Narito ang mga iskor:
Meralco 103 – Caram 30, Durham 26, Newsome 17, Pinto 8, Almazan 8, Maliksi 6, Faundo 4, Amer 2, Hugnatan 2, Jackson 0, Jose 0, Hodge 0, Quinto 0, Jamito 0.
NorthPort 89 – Qualls 27, Standhardinger 20, Anthony 19, Mercado 9, Lanete 8, Taha 3, Ferrer 3, Elorde 0, Cruz 0, King 0, Escoto 0.
Quarterscores: 20-23; 50-45; 72-69; 103-89.