Magpapatupad ang Meralco ng 4 -5 centavos na refund kada kilowatt hour sa kanilang customer para sa buwan ng Marso.
Ito ang kinumpirma ni Meralco first vice president and regulatory management head Jose Ronald Valles.
Ang refund ay nag-ugat mula sa isang kautusan ng Energy Regulatory Commission na nagpapaalala sa mga distribution utilities na i-validate ang generation charges bago ipasa sa mga consumer.
Nauna nang hiniling ng ERC sa Meralco na kumpletuhin ang validation para i justify ang rate adjustment na ipapataw nito ngayong buwan.
Kung maaalala, noong unang bahagi ng buwang ito, inanunsyo ng Meralco ang P0.5738 kada kWh na pagtaas sa kabuuang halaga ng kuryente nito na katumbas ng pataas na pagsasaayos na humigit-kumulang P115 sa kabuuang singil ng mga residential customer na kumukonsumo ng 200 kWh buwan-buwan.
Sinabi ng Meralco na ang kabuuang pagtaas ng rate ngayong buwan ay pangunahing rason ng generation charge na tumaas ng P0.4552 hanggang P7.1020 kada kWh dahil na rin sa mas mataas na halaga ng kuryente mula sa mga independent power producer at power supply agreements.