Naghahanda na rin ang Manila Electric Company sa posibleng maging epekto ng pananalasa ng bagyong Pepito sa mainland Luzon.
Sa isang pahayag, sinabi ng kumpanya na nakahanda na ang lahat ng kanilang mga tauhan upang mabilis na matugunan ang magiging problema sa serbisyo sa kuryente sa mga lugar na nasa loob ng kanilang hurisdiksyon.
Bilang bahagi ng isinasagawang preparasyon, nanawagan ang kumpanya sa mga may-ari at operator ng mga naglalakihang billboard na alisin na muna ang mga ito pansamantala para hindi liparin at sumabit sa mga kawad ng kuryente.
Pinag-iingat rin ng mga ito ang publiko lalong-lalo na ang kanilang mga kustumer na gawing ligtas ang paggamit ng kuryente dahil sa posibilidad ng mga pagbaha.
Mas mainam rin na patayin ang linya ng kuryente sa kani-kanilang mga bahay at alisin sa saksakan ang mga appliances.