-- Advertisements --

Pinaplano ng Manila Electric Co. (Meralco) ang pagsasagawa ng trial para sa micro-modular reactor (MMR) nuclear energy technology sa ilalim ng mga lugar na mayroon itong prangkisa.

Sinabi ni Meralco chief operating officer Ronnie Aperocho na mayroon nang mga lugar na kanilang pinagpipilian at kasalukuyang ikinukunsidera.

Kinabibilangan ito ng Talim Islands sa probinsya ng Rizal, Bayan ng San Rafael sa probinsya ng Bulacan, at Isla del Provisor sa Manila. Ang mga ito ay initial site para sa planong testing.

Una nang sinabi ng Meralco na magsisilbi pa rin nitong basehan ang 14 na lugar na unang tinukoy ng Department of Energy(DOE) na maaaring linangin para sa mga proyektong may kaugnayan sa MMR.

Maalalang noong buwan ng Nobiembre ay pinirmahan ng Meralco at American firm na Ultra Safe Nuclear Corp. ang isang kasunduan para sa pagsasagawa ng joint feasibility study sa mga MMR upang pumasok sa malinis at sustainable na energy option sa bansa.

Ginawa ito sa naging pagbisita ni PBBM sa US para dumalo sa 2023 APEC Summit, kasama ang mga pinuno ng iba pang mga bansa.